Angel, ninerbiyos sa unang tikim!

PROUD na proud si Angel Locsin sa kissing scene at love scene na ginawa nila ni Richard Gutierrez sa The Promise ng GMA Films at Regal Entertainment.

Sabi nga ni Angel, bagama’t parehong first time nila ni Richard sa mga ganu’ng eksena, sa pananaw ng director na si Michael Tuviera, pasadung-pasado talaga.

"Ang galing nga namin ni Richard dahil kahit ngayon lang namin ‘yon ginawa, nagawa talaga namin ng maayos," nakangiting bungad ni Angel.

Matindi kung matindi ang deskripsyon ni Angel sa ginawa nila ni Richard sa pelikula. Kitang-kita raw kasi ‘yung passion sa kanila.

"Pero dahil ayaw pa rin namin na maging pangit o malaswang tingnan, kaya tender pa rin ‘yung pag-atake. Pero, kitang-kita ‘yung pagiging passionate namin. Atsaka, ang husay-husay kung paano iprinisinta ‘yung eksena."

Mahirap bang makipaghalikan at makipaglampungan sa harap ng kamera?

"Oo naman, nakakanerbiyos, ha!

"Sabi ko nga, mabuti na lang at si Richard ang kasama ko, kasi kumportable na ako sa kanya. Tapos, kinukulit talaga niya ako kapag nakikita niya na tahimik na ako, kaya nawawala ‘yung tensyon ko.

"Siguro, kung ibang tao ang kasama ko, baka hindi lumabas na maganda, baka hindi ko rin gawin. Si Richard kasi, okey na okey na kami, sabay kaming nagsimula sa showbiz, at ang dami na naming pinagdaanan together.

"So, okey nga ‘yung naisip ng GMA at Regal na kaming dalawa ang pagsamahin sa ganito ka-sensitive na movie. Kasi, pareho naming first time, at magkakasuportahan kami.

"Mahirap kung sa mahirap. Pero, nu’ng nakita ko ‘yung resulta, nawala na ‘yung hirap na ‘yon. Sabi ko nga, kapag napanood niyo `yung movie, siguradong mai-in love kayo.

"‘Yun ang gusto naming ma-achieve, `yung ma-in love `yung mga manonood. Nu’ng ginawa kasi namin `yung scene, in character talaga kami ni Richard, para lumabas na totoong-totoo," kuwento pa rin ni Angel.

Nagpapasalamat si Angel dahil inalagaan siya nang husto ni Richard sa syuting nila. May mga pagkakataon nga raw na halos manipis na tela lang ang nakasaplot sa kanyang katawan, pero palagi ay nandiyan si Richard para takpan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan.

"Palagi siyang may dalang blanket, at kapag nakikita niyang naiilang na ako, lumalapit agad siya para takpan ako. Ganu’n siya ka-gentleman," kuwento na lang ni Angel.



SHARE THIS POST


 
  • Live Feed

  • About Kapuso Stars

    A collection of news, gossips, pictures and videos of your favorite Kapuso Stars. Please share your wisdoms to the readers of this blog by putting comments. As with all bloggers, I'm open to any offers to place advertisements (text or image or both) on my blog.

    Email: admin@kapusostars.com

    Kapuso Stars © 2007