Richard Gutierrez says there's "no bad blood" between him and ex-girlfriend Jewel Mische
Thursday, September 23, 2010
Isang pocket interview ang ipinatawag ng GMA-7 para kay Richard Gutierrez kahapon, September 22, sa Executive Lounge ng GMA Network Center. Ito ay may kaugnayan sa airing ng second episode ng Anatomy of a Disaster, na hinu-host ng young actor para sa GMA News & Public Affairs.
Ipalalabas ang second episode ng Anatomy of A Disaster sa Linggo, Setyembre 26, na first anniversary ng Bagyong Ondoy. Pero ayon kay Richard, hindi raw nila sinadya ang pagpapalabas ng docu-series sa unang anibersaryo ng killer typhoon na puminsala nang malaki at kumitil sa buhay ng marami nating kababayan noong nakaraang taon.
Paliwanag niya, "Laging last week of the month namin ipinapalabas ang docu-series at tumama pa na ang topic ay tungkol sa baha, na karaniwan nang nararanasan natin tuwing uulan nang malakas."
SURVIVOR PHILIPPINES. Nasa third week na ngayon ang hinu-host na reality show ni Richard sa GMA-7, ang Survivor Philippines Celebrity Edition.
So far ay maganda naman ang ratings ng show na nagtatampok sa celebrity castaways. Nakatulong din marahil ang magandang timeslot nito, pagkatapos ng primetime newscast na 24 Oras.
"We did not expect that it will be that big," sabi ni Richard. "Bago ito nag-air, nag-meeting kami kung anong timeslot ito ipapasok—after ng 24 Oras o the same time slot ng first two Survivor Philippines na 10 p.m. para makapanood daw 'yong mga nanggagaling sa office.
"We are risk takers kaya bakit hindi natin i-try i-risk ang timeslot, para kami maka-move on. So, itinuloy namin 'yong time slot after ng 24 Oras.
"Kabado kami and pressured. Pero natuwa at thankful kami na ito na ngayon ang highest-rating show ng GMA-7 sa primetime slot."
If ever ba na magkaroon pa ng isang celebrity edition ang Survivor Philippines ay iho-host pa rin niya ito, o sasali siya bilang castaway?
Aniya, "Yes, I really want to do another season kung magkakaroon ulit. Sinabi ko na 'yon sa kanila.
"Pero as a castaway, alam kong kakayahin ko 'yon, pero hindi na puwede, kasi alam ko na raw lahat ng mangyayari."
Siniguro rin ni Richard na hindi totoo ang mga lumalabas na spoilers kung sino ang mananalo.
GOOD YEAR. Kinukunsidera ni Richard ang taong 2010 bilang "good year" dahil sunud-sunod ang projects na ibinibigay sa kanya ng Kapuso network.
Kumita sa takilya ang pelikula nila nina Claudine Barretto at Anne Curtis na In Your Eyes. Maganda rin ang response ng mga manonood sa docu-series na hinu-host niya. At ito ngang Survivor Philippines.
Nakalinya ring gawin ni Richard ang Captain Barbell sa TV at isang Valentine movie.
"I think it's a good year for me. Very smooth ang takbo ng career ko. Mas relaxed ako ngayon di tulad noong nakaraang taon," nakatawang sabi ni Richard.
"Siguro dahil din sa mga sacrifices na ginawa ko para sa career ko," pahabol niya.
Like?
"Marami... 'Yong time na ibinigay ko sa lahat ng mga projects na ginawa ko, my personal life..."
Ang breakup nila ni Jewel Mische?
"Yes. I set aside muna ang lovelife ko," sagot ni Richard, bagamat hindi naman niya direktang inamin noon na naging sila nga ni Jewel.
Alam ba niyang may balitang lilipat na si Jewel sa ibang network?
"Yes, I heard," sagot niya. "But I think she's weighing her options, if she will stay sa GMA o lilipat siya ng network."
Paano kung hindi tumuloy si Jewel at itambal pa rin sa kanya sa Captain Barbell?
"Okey pa rin sa akin, but I'm not so sure," sagot ni Richard.
"May communication kami ni Jewel, nagti-text pa rin kami. We still remain as friends. No bad blood between us. She's fine."
SOLENN HEUSSAFF. Nali-link naman ngayon si Richard kay Solenn Heussaff, isa sa paboritong celebrity castaways ng Survivor Philippines.
Maraming nagsasabi na bagay sila. Wala ba siyang balak ligawan si Solenn?
"Kami naman ni Solenn, friends na kami noon pa. Best friend siya ni Mond [Raymond Gutierrez, his twin brother] kaya madalas kaming lumalabas na magkakasama," sabi niya.
Balitang isa si Solenn sa gusto ng fans na makatambal ni Richard sa Captain Barbell. Ano ang masasabi niya rito?
"Malalaman ko po 'yon bukas [September 23]," sabi niya. "Makikipag-meeting ako sa GMA. Idi-discuss na namin ang Captain Barbell.
"We need to start taping na sa last week of October or sa first week of November. Pero sa January 2011 pa 'yon ipapalabas kasi hanggang December pa ang Survivor Philippines.
"Baka pag-usapan na rin namin ang Valentine movie na gagawin ko. Gusto ko naman ay isang romantic comedy para lalabas sa sinehan na nakangiti ang mga manonood.
"Hindi ko pa rin alam kung kami pa rin ni Anne [Curtis] ang magtatambal. May mga options pa kasing iku-consider."
by Nora Calderon
Source: Pep.ph
SHARE THIS POST