Katrina, masama ang loob sa GMA 7
Wednesday, February 10, 2010
Hindi raw siya dinamayan sa pagkamatay ng lola niya…
NASA Palawan na ngayon si Katrina Halili at ang buo niyang pamilya para sa huling mga gabing lamay sa labi ng kanyang yumaong lola na si Maring Llanes, 72 years old. Sa Lunes ang libing ni Lola Maring.
Hindi maiwasang hindi sumama ang loob ni Katrina sa kanyang mother network, ang GMA 7 dahil sa halos tatlong gabi mula nang bawian ng buhay ang kanyang Lola Maring at maiburol ito sa Dulce Funeral homes sa may Abad Santos, Manila ay ni hindi man lang daw nagpakita at nagparamdam ng pakikiramay ang Kapuso network.
Wala rin kaming nakita ni isang pirasong bulaklak sa burol ng lola ni Katrina nu’ng puntahan namin ang aktres para makiramay.
Eh, sa totoo lang, hindi talaga maiwasang hindi hanapin ang anumang bagay na nagpapakita ng pakikiramay ng GMA 7 kay Katrina, dahil talent nila ang aktres.
At sa aming paghahanap, pangiti-ngiti lang si Katrina, pero kitang-kita namin
ang disappointment sa kanyang mukha.
“Okey lang po ‘yun. Talaga pong ganu’n,” panay ang sabi ni Katrina.
Imposibleng hindi malaman ng Kapuso network ang nangyari sa lola ni Katrina dahil kumalat sa text ang pagkamatay nito. At bago pa ito, nasulat din iba’t ibang tabloids at pati na sa internet ang pagiging kritikal ng kanyang lola noon.
Tanong tuloy kay Katrina, sa tingin ba niya ay importante siya sa GMA, at bakit ni isang bulaklak ng pakikiramay ay hindi man lang sila pinadalhan?
“Sa totoo lang po, nu’ng first night wala pong bulaklak dito sa loob (Dulce). Ang ginawa ko para hindi naman kawawa ang lola ko, ako na po ang bumili ng dalawang bulaklak,” sambit ni Katrina.
Kuwento ni Katrina, umabot sa 700 thousand pesos ang nagastos ni Katrina sa isang buwang pagkakaratay sa ospital ng kanyang lola dahil sa cancer.
Anyway, alam kaya ng GMA 7 na binalak ni Katrina na ibenta ang kanyang bahay sa New Manila para maipangtustos sa pagpapagamot noon ng lola niya?
Kuwento ni Katrina, tinawagan niya ang isa niyang kaibigan para ibenta ang kanyang bahay. Pero dahil nagmagandang-loob ang kaibigan, pinautang na lang siya nito.
Sa ganitong punto, dapat sana ay inabot ng GMA 7 ang kanilang kamay para alamin kung ano ang maitutulong nila sa kanilang alaga. Pero dahil nga likas na mahiyain si Katrina, kahit gusto nitong humingi ng tulong sa kanyang mother network, pinasan na lang niya ang buong problema.
Sabi nga ni Katrina, aabot pa sa higit sa P700K ang babayaran nila sa ospital dahil wala pa rito ang professional fees at iba pang ginamit sa pagpapagamot sa kanyang lola.
Nagi-guilty ng bahagya si Katrina sa pagkamatay ng kanyang lola dahil feeling niya ay pinahirapan pa nila ito sa pagpapagamot.
“Makikita mo sa braso niya, ‘yung marks ng tusok ng kung anu-anong test na ginawa sa kanya, pati ‘yung sa dextrose. Pinasukan pa siya ng tubo para lang makahinga siya. Nagi-guilty kami kasi parang pinahirapan pa namin siya. Pero hindi naman namin kayang tignan na lang ‘yung kalagayan niya sa bahay. Inisip namin, may magagawa pa kami, baka sakaling maisalba pa ang buhay niya.
“Ako talaga, inisip ko na ibenta ‘yung bahay ko. Kasi nu’ng umabot na sa P200K ang bills namin, sabi ko hindi namin kakayanin. Mabuti na lang may kaibigan akong nagpautang sa akin sa halip na ibenta ko ang bahay,” kuwento ni Katrina.
Nu’ng makausap namin si Katrina, mugto pa ang mga mata nito sa kaiiyak. Pero, pinipilit niyang ngumiti. Panay lang ang kuwento niya sa mga pinagdaanan niya habang nagbabantay sa lola niya sa hospital.
Tinanong namin si Katrina kung tatanggapin ba niya kung sakaling magpadala ng bulaklak o mass card si Dra. Vicky Belo. Napangiti lang muna siya at alumpihit sa pagsagot.
“Okey lang po. Hindi naman po kami magkaaway. Saka, nakikiramay lang naman po, ‘di ba?” sey niya.
Kasunod na tanong kay Katrina, paano kung dumating nga si Dra. Belo sa burol, at kasama pa si Hayden Kho?
“Kayo talaga! Ewan ko,” paiwas na sagot ni Katrina.
Anyway, nagpapasalamat si Katrina sa mga taong nakiramay sa pamilya niya. Sa ngayon, hindi pa raw niya alam kung matapos ilibing ang kanyang lola ay babalik agad siya sa Manila.
Pero, tiniyak niyang pagbalik niya, aasikasuhin agad niya ang mga plano niya sa career, lalo na at nagtapos na ang kontrata niya sa GMA 7 nitong January 31, 2010.
Ayaw pa munang magsalita ni Katrina sa mga tsismis tungkol sa diumano ay paglipat niya ng ibang istasyon.
“Basta po, aayusin ko muna ang mga dapat kong asikasuhin. Saka po ninyo malalaman kung ano na ang susunod na mangyayari,” sabi na lang ni Katrina.
SHARE THIS POST
Categories:
GMA Pinoy TV
,
GMA-7
,
Hayden Kho
,
Kapuso
,
Kapuso Stars
,
Katrina Halili
,
Vicki Belo
blog comments powered by Disqus